Nag-landfall na ang Typhoon Cimaron sa Japan bandang 9:00, Huwebes ng gabi.
Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), binagtas ng bagyo ang pa-Hilagang direksyon kaya’t tumama ito sa katimugang bahagi ng Tokushima Prefecture.
Ayon sa JMA, inaasahang dadaanan ng bagyo ang Japanese archipelago at aabutin ang Sea of Japan, Biyernes ng umaga.
Pinayuhan naman ang mga residente na mararamdaman pa rin ang pagbugso, lakas ng ulan at taas ng alon kahit na lumabas na ito ng bansa.
Dahil dito, umabot sa 350 flights ang kinansela sa kanilang paliparan, araw ng Huwebes, habang 60 flights naman ang kanselado para bukas, araw ng Biyernes.
Pansamantala ring itinigil ang mga biyahe ng shinkansen bullet trains ngayong araw.
Samantala, agad pinaaaksyon ni Prime Minister Shinzo Abe ang iba’t ibang sangay ng gobyerno para maiwasan ang anumang pinsala at ihanda ang mga evacuation center sa mga apektadong residente.
Ang Typhoon Cimaron ang ikalawang bagyo na pumasok sa naturang bansa ngayong linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.