DOTr, sinuspinde ang tatlong emission testing centers
Pinatawan ng Department of Transportation (DOTr) ng suspensyon ang tatlong Private Emission Testing Centers (PETC) dahil sa palsipikasyon ng emission test results.
Sa utos ng DOTr, sa pamamagitan ng Investigation Security and Law Enforcement Staff (ISLES), suspendido ang mga sumusunod:
– Victory – A Emission Testing Center sa Mandaluyong City
– RNJ Emission Center sa Muzon, San Jose del Monte, Bulacan
– Six Eleven Emission Test Company, sa Calamba, Misamis Occidental.
Ang preliminary suspension laban sa tatlong PETCs na inisyu noong August 17, 2018 ay alinsunod sa Department Order 2016-017 ng DOTr.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga nabanggit na emission centers ay dawit sa panduduktor ng test results o naglabas ng maling impormasyon ukol sa mga nasuring sasakyan.
Maliban naman sa tatlong PETCs, nagpadala rin ng kopya ng suspension orders sa kani-kanilang IT Service Providers na mahaharap din sa suspensyon kung ipagpapatuloy ang proseso ng anumang data na ita-transmit ng 3 PETCs.
Nagbabala naman ang DOTr na posibleng madagdagan pa ang suspendidong PETCs kung mapapatunayang nandaya ang mga ito ng emission test results.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.