UP Law pumalag sa pag-aresto sa tatlong abogado ng Time Bar
Mariing kinondena ng University of the Philippines o UP College of Law ang ginawang pag-aresto ng mga pulis-Makati at pagkulong sa tatlong abogado ng Time Bar noong nakalipas na linggo.
Sa isang statement of condemnation, sinabi ng UP College of Law na malinaw na nilabag ng Makati Police Office ang mga karapatan at ang legal na proseso nang hulihin ng mga pulis ang tatlong abogado.
Matatandaang inaresto ng mga otoridad sina Jan Vincent Soliven, Lenie Rocel Rocha ar Romulo Bernard Alarkon, dahil umano sa pagiging sagabal ng mga ito habang mayroong operasyon ang mga pulis sa Time Bar sa Makati City.
Nasamsam sa naturang bar ang mga party drugs, kaya kinalauna’y ipinasara ang establisimyento.
Pero ayon sa UP College of Law, trabaho ng tatlong abogado na protektahan ang mga karapatan ng may-ari ng Times Bar habang ginagawa ang operasyon, upang matiyak na hindi makapag-tatanim ng mga ebidensya ang mga pulis.
Paalala pa nila, “basic” ang karapatan ng may-ari na magkaroon ng legal representatives sa lugar.
Dagdag ng UP College of Law, habang ginagawa ang search operation sa Time Bar ay nag-observe, nag-take notes at kumuha ng litrato ang mga abogado subali’t hamak na mas maraming pulis sa lugar, kaya nakontrol ng mga ito sitwasyon.
Higit sa lahat, iginiit ng UP College of Law na ang kasong obstruction of justice at ang drug-related charge na constructive possession of drugs laban sa tatlong abogado ay “baseless” o walang basehan kaya mabuting ibasura na ang mga ito sa lalong madaling panahon, at papanagutin ang mga pulis na sangkot dahil sa paglapastangan sa law enforcement processes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.