Sa resulta ng mga survey: ‘VP Binay, affected pero hindi demoralized’ – Ilagan
Aminado ang United Nationalist Alliance (UNA) na apektado sila ng resulta ng pinaka-bagong survey ng Pulse Asia.
Kasunod ito ng pagbaba sa ranking ni Vice President Jejomar Binay na pumapangalawa na lamang kay Senator Grace Poe.
Si Poe ay nakakuha ng 30 percent samantalang 22 percent lang ang kay VP Binay.
Ayon sa bagong spokesman ng UNA na si dating Cainta Mayor Mon Ilagan, nirerespeto nila ang resulta ng survey at hindi nila maaaring balewalain ang public opinion.
Naging wake-up call din aniya ito sa panig ng Bise Presidente para mag-doble kayod bagama’t hindi naman demoralized. “Definitely he’s affected, pero hindi naman siya demoralized. The more na kailangang magsipag.”
Aminado si Ilagan na maraming isyu ang ipinupukol kay VP Binay na maaaring naka-apekto sa survey tulad ng (Blue Ribbon) subcommittee report, dagdag pa ang isyu sa PAGIBIG Fund. “Ito yung mga isyu na nagkasabay-sabay. Kailangan ito talaga kung bakit umiikot ngayon, at hindi ito kampanya para tumulong, alamin ang problema ng bansa. The fact that he declared earlier e gusto na niyang malaman. This is part of the preparation but this is not politicking. Hindi ito kampanya.”
Tiwala pa rin si Ilagan na hindi naman ito makaka-apekto sa kandidatura ni VP Binay sa 2016.
“Kung galit ang tao sa kanya, kung may muhi ang tao sa kanya sa tingin ko hindi magpapa-selfie. Hindi magpapa-picture, hindi babati, hindi lalapit, hindi rerespeto. Kasi alam nila na ganun, pero hindi, balewala sa kanila lalung-lalo sa probinsya.” / Jimmy Tamayo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.