Mosyon ni Kerwin Espinosa na makulong sa NBI, pinagbigyan ng Manila RTC
Pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court ang hirit ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na manatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation o NBI sa lungsod ng Maynila.
Hindi na naghain ng komento ang panig ng prosekusyon sa isinumiteng mosyon ng kampo ni Espinosa na umaapela sa korte na huwag na siyang mailipat ng piitan dahil sa pangamba sa kanyang buhay.
Dahil dito, nagpasya si Judge Silvino Pampilo Jr., Presiding Judge ng Manila RTC Branch 26 na sa NBI na muna ipaubaya ang kustodiya ni Espinosa dahil na rin sa usapin ng seguridad nito kung ililipat pa ng ibang kulungan.
Ayon kay Judge Pampilo, hanggang nasa ilalim ng Witness Protection Program o WPP ng DOJ si Espinosa ay NBI na muna ang magbibigay proteksyon sa kanya.
Inatasan ni Judge Pampilo ang lailer ng NBI na panatilihin sa kanila ang kustodiya ni Espinosa.
Nauna nang naghain ang mga abogado ni Espinosa ng urgent ex-parte motion para sa hinihingi nitong commitment order ng korte dahil sa anila’y banta sa buhay nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.