Suspek sa rape, hindi namatay sa epilepsy kundi sa gulpi ng kapwa preso
Taliwas sa naunang report na epilepsy ang ikinamatay ng isang suspek ng rape sa Maynila, labis na pagkakabugbog ang tunay na ikinamatay nito.
Base sa autopsy report na hawak ng mga imbestigador, “blunt traumatic injury through multiple clubbing,” ang ikinamatay ni Gerardo Argota Jr.
Inamin rin ng mga preso sa Sta. Ana Police Station sa Maynila na totoong nabugbog si Argota nang ipasok siya sa kulungan.
Siyam na preso na hinihinalang sangkot sa pambubugbog, na itinuro ng dalawang testigo, ang binitbit ng mga operatiba ng Manila Police District sa kanilang headquarters kahapon ng umaga para kwestyunin.
Ito ay sina Salvador Gozon, Rowie Manalac, Jade Villamor, Michael dela Cruz, Bernardo Lazatin, Germain Robles, Alvin Anonuevo, Louie Mercado na nagpakilalang reporter ng radyo na nakulong dahil sa hindi pagsuot ng helmet habang nagmo-motorsiklo, at pinuno ng ‘Bahala na Gang’ na si John Chris Lopez.
Ayon kay SPO1 Alonzo Layugan, ang nasabing autopsy report na naglahad ng ibang dahilan ng pagkakamatay ni Argota ang nagtulak sa Sta. Ana police station na masusing imbestigahang ang insidente.
Sinabi ni Lopez na inumpisahang sipain at suntukin ng mga inmate si Argota pagpasok nito sa kulungan, hapon ng Sabado, at nagpatuloy hanggang alas onse ng umaga ng Linggo.
Ito aniya ay dahil nagalit ang mga preso nang malamang nang-halay ito ng anim na taong batang babae.
Aminado si Lopez na isa siya sa mga nambugbog kay Argota kasama ang 67 iba pang kakosa dahil aniya, may nakababatang kapatid na babae rin siya.
Sinabi naman ni Mercado na nakaranas rin ng pangmomolestya si Argota sa loob ng kulungan, at isang preso pa ang nagmalaking ginawa niya ito kapalit ng P50.
Maaaring makasuhan ng murder ang siyam na arestado sa dahil sa pambubugbog kay Argota na ikinamatay nito.
Magugunitang dinala si Argota sa City Hall para sumailalim sa inquest dakong alas 2:30 ng Linggo, at habang inihaharap ito kay Prosecutor Ma. Josefina Concepcion ay bigla na lamang itong nangisay.
Dinala pa sa ospital si Argota ngunit idineklara ring patay.
Inaresto si Argota noong Sabado matapos mahuli na mino-molestya ang anim na taong gulang na batang babae sa tenement na tinitirhan nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.