Metro Manila at mga karatig-lalawigan inuulan dahil sa Habagat
Simula kagabi ay walang humpay ang pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Ayon sa 4am weather advisory ng PAGASA, ang Metro Manila, Central Luzon, Cavite at Batangas ay apektado ng Habagat.
Dahil dito, makararanas ang mga naturang lugar ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-uulan, pagkulog at pagkidlat.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Katamtaman hanggang sa maulap na kalangitan naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa na may posibilidad ng pag-ulan bunsod ng localized thunderstorms.
Samantala, patuloy na binabantayan ng weather bureau ang Severe Tropical Storm na may international name na ‘Soulik’ sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huli itong namataan sa layong 2,060 kilometro Silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 90 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 kilometro kada oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.