Grupo ng mga Lumads sinimulan na ang ‘kampuhan’ sa Diliman
Sa University of the Philippines (UP) sa Diliman Quezon City nagpalipas ng gabi ang grupo ng mga Lumads na nagmartsa kahapon at nagsagawa ng programa sa Maynila, bilang bahagi ng kanilang kampanya na “Manilakbayan”.
Dumating kagabi sa UP ang nasa isang libong Lumads at sinalubong sila ng mga estudyante at ilang guro ng eskwelahan.
Nagtayo ng tents ang grupo na kanilang pansamantalang tutulugan habang sila ay nasa UP.
Kagabi, nagsalu-salo ang grupo sa isang boodle fight na pinangunahan ng mga lider ng Indigenous People.
Samantala isang dating IP leader ang nagsabi na aabot na sa 22 Lumads ang napatay sa Magpet, North Cotabato simula noong taong 2010 at hanggang ngayon ay wala pang napapanagot sa kanilang pagkamatay.
Ayon kay Datu Apolinar Ambag, na ngayon ay field officer ng National Commission on Indigenous Peoples (NICP), naganap ang nasabing mga pagpatay sa malalayong mga barangay ng Amabel, Bantac at Doles.
Hanggang sa ngayon sinabi ni Ambag na sumisigaw pa rin ng hustisya ang pamilya ng mga nasawing Lumads.
Karamihan aniya sa mga napaslang ay pawang mga magsasaka at opisyal ng barangay na napaghinalaang sumusuporta sa New People’s Army.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.