DBM binatikos sa pagkaltas sa budget ng DepEd at CHED
Ikinagalit ng ilang mga mambabatas ang ginawang pagtapyas ng Department of Budget and Management sa panukalang 2019 budget ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kina ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro hindi katanggap-tanggap ang ginawang bawas-pondo sa sektor ng edukasyon.
Sinabi ng mga ito na matagal nang humihingi ng mataas na pondo ang edukasyon pero sa halip anya na taasan ay binawasan pa ito.
Mahirap anya itong ipaliwanag sa publiko na pumapasan ng negatibong epekto ng TRAIN law.
Sa panukalang 2019 budget kinaltasan ang DepEd ng 9.94% habang 18% naman ang ibinawas sa CHED.
Sa ibinawas sa DepEd, pinakamalaki ang para sa pagpapatayo ng mga school buildings na mula sa nais ahensya na P116 Billion ay P10.2 Billion lamang ang inaprubahan ng DBM.
Bukod dito, humingi ang DepEd ng 5,500 na karagdagang non-teaching force pero 455 lamang ang ibinigay ng DBM at hindi rin pinatawad ang pagkaltas sa mga learning tools, equipment at libro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.