BINAHA TAYO DAHIL SA BASURA, ISKWATER AT GOBYERNO! sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo
Ipinakita na naman ng hanging habagat ang lupit nito sa Metro Manila kahit napakalayo ng Bagyong Karding. Matindi ang naging “forced evacuation” sa Marikina dahil sa 20.9 meter level ng ilog, may storm surge sa Roxas Boulevard, at may mga pagbaha sa Araneta Avenue-Talayan-Retiro gayundin sa Sumulong Highway, Macarthur highway, Quirino Avenue, at sa lahat ng mababang lugar sa Metro Manila.
DPWH-NCR ang namamahala sa “P600-M Blumentritt Interceptor catchment area project” na 3.3 kilometers ang haba mula Sta. Cruz hanggang Tondo na sasalo sa tubig baha mula QC na bumababa sa Maynila. Ikalawa, ang “P609-Mandaluyong main drainage project” diyan sa Maysilo circle na sasalo naman sa tubig baha galing sa San juan River at QC pababa sa Pasig River. Ikatlo ang “P203-M flood control project” sa Manila city hall at Intramuros na magdadala sa tubig baha papunta sa Luneta Pumping station sa Manila bay. At ikaapat ang “P296-M protective seawall project” sa Manila bay na pangkontra sa mga storm surges sa Maynila, Paranaque at Pasay.
Ang MMDA naman ay may mandatong bawasan ng 10% ang mga binabahang lugar sa Metro Manila o kaya’y pahupain ang baha sa loob ng 40 minutes. Pero, lahat halos ng 56 “pumping stations” nila ay namumroblema sa basura at mga “informal settlers sa mga estero. Ayon sa 2017 COA report, 21 sa kabuuang 68 flood control projects lang ang natapos ng MMDA sa taong 2017. Sa madaling salita, nabigo ang P335-M halaga ng proyekto. Ang dahilan, sabi ng COA, ay madalas na pagpapalit ng management at komposisyon ng bids and awards committee.
Ayon sa DPWH, ang Blumentritt interceptor ay hindi mapapakinabangan hanggang 2019 dahil nagbi-bidding pa lang ng modernong “pumping station” na kayang maghiwalay sa basura at tubig-baha. Ibig-sabihin, isang taon pang magtitiis ang mga taga-QC at España, Maynila sa pagbaha sa kahabaan ng Araneta Avenue.
Noong Oktubre 2016, binuksan na ang “Mandaluyong main drainage project”, pero maraming basurang tumatambak sa “makalumang pumping station” sa kanto ng Coronado at Fransisco street. Bumaba ang baha sa Maysilo,pero lubog pa rin kahapon ang bgy. Daang bakal, Kalentong, at Poblacion.
May “storm surge” sa Roxas Boulevard kahit tinapos na ng DPWH-NCR ang Manila bay seawall project. Pero, ayon kay DPWH-NCR director Melvin Navarro, talagang tumaas ang tubig lampas ng seawall na sinabayan ng “high tide” at hangin.
Iyong pagtaas ng Marikina river ay “gravity” o depende sa volume ng tubig sa Laguna de Bay. Ibig sabihin, kapag mataas ang lebel ng Marikina, mataas din ang lebel na pupuntahan nito. Kaya nga, problema talaga ang mababaw na Laguna de bay. Kung bakit kasi kinansela ni Pnoy ang P18-B Laguna lake Rehabilitation project noong 2011 na dineklara ng World Bank na “illegal and unfair” noong January 2017. Layunin nitong palalimin ang lawa at Napindan Channel na ang dredging materials ay pagtatayuan ng wastewater treatment facilities sa Taytay-Angono at San Pedro. Nakakapika!
Pero, meron pa namang pag-asa, dahil sinimulan na ngayon ng Duterte administration ang “$500-M (P26.5B) Metro Manila Flood Control management project” na “pautang” mula sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) ng China at World Bank. Layunin nitong gawing moderno at kontra basura ang kasalukuyang “36 pumping stations” at magtayo ng bagong 20 pumping stations hanggang 2024.
At ang kalaban nating lahat, baha na pinalubha ng basura, informal settlers at kabagalan ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.