DTI pumalag sa ‘near crisis’ comment ng isang mambabatas tungkol sa inflation
Pinalagan ng Department of Trade and Industry ang pahayag ni Albay Rep. Joey Salceda na unang ‘near crisis’ ng administrasyong Duterte ang pagsipa ng inflation dahil sa magreresulta ito sa paglobo ng bilang ng mahihirap at nagugutom.
Ipinagtanggol ni Trade and Industry Sec. Mon Lopez ang gobyerno at sinabing hindi lamang sa Pilipinas lumolobo ang inflation.
Anya, mayroong ibang bansa na nakapagtala ng higit sa 10 percent na inflation rate habang ang isang bansa nga anya sa South America ay nakapagtala ng 30 percent.
Aminado naman ang opisyal na maaaring sisihin ang pagkakasabay ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa pagsipa ng inflation rate ngunit hindi pa ito ‘near crisis’ ng bansa.
Ayon kay Lopez, mild hanggang moderate pa lamang ang lagay ng inflation rate ng bansa ngunit ayaw naman nila anyang lumala pa.
Iginiit ng kalihim na ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng ilang mga bilihin.
Matatandaang para sa buwan ng Hulyo naitala ang 5.7 percent na inflation rate na pinakamataas sa loob ng limang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.