Kinumpirma ng General Santos City Health Office na dalawa na ang naitala nilang namatay sanhi ng asthma attack dulot ng makapal na usok o haze sa malaking bahagi ng lungsod.
Sinabi ni Dr. Antonietta Odi, Medico Legal officer ng General Santos City Health Office na dumanas ng matinding hika ang mga biktima bago sila namatay sa pagamutan.
Tumanggi namang idetalye ng opisyal ang pagkaka-kilanlan ng mga biktima base na rin sa pakiusap ng kanilang mga kaanak. Samantala, sinabi ni Edgar Cueto, air traffic control officer ng General Santos City Airport na nag-divert ng flight sa Davao City ang isang byahe ng Cebu Pacific ngayong tanghali dahil sa kapal ng usok sa himpapawid.
Isinasa-ilalim na rin ng Department of Environment and Natural Resources sa pag-aaral ang air sample na kanilang kinuha sa Zamboanga City at Davao City.
Sa mga lalawigan naman ng Cebu at Bohol ay ramdam na rin ang makapal na usok sa kalawakan dulot ng forest fire sa Indonesia.
Pinayuhan ng mga opisyal ng Department of Health ang mga mamamayan sa Mindanao at Visayas Region na maging maingat sa labas ng kanilang mga tahanan dahil sa haze na pwedeng pagmulan ng ibat-ibang uri ng respiratory diseases.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.