Paglobo ng bilang ng mahihirap pinangangambahan dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin
Nagbabala ang kinatawan ng Albay na si Joey Salceda sa pagdami ng bilang ng mga mahihirap na Pilipino dahil sa epekto ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation.
Batay kasi sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang 5.7% na pagtaas ng inflation nito lamang buwan ng Hulyo ay ang pinakamabilis sa nakalipas na limang taon.
Ang naturang antas ay doble sa 2.4% na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraaang taon.
Dahil dito iminungkahi ng mambabatas ang pagtanggal na muna ng taripa sa pagkain at mga serbisyo para maibsan kahit papano ang epekto ng inflation.
Kabilang sa mga tinukoy ng mambabatas na dahilan kung bakit sumirit ang presyo ng mga bilihin ay dahil sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang nakaambang giyera sa pagitan ng Amerika, Iran, at China, at ang humihinang halaga ng peso kontra sa dolyar.
Sabi ni Salceda, kailangan ng “political will” para buwisan ng mas mataas ang mayayamang indibiduwal, ito ay dahil sa kasalukuyang political economy aniya ay pati mga mahihirap ay nabubuwisan ng mas mataas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.