MMDA planong ipagpaliban ang implementasyon ng provincial bus ban
Posibleng hindi ituloy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng provincial bus ban sa EDSA na nakatakda sana sa August 15, araw ng Miyerkules.
Sa sidelines ng pagpupulong ng Metro Manila Council, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na mayroon pang mga kailangang ayusin sa integrated bus terminal sa Valenzuela City.
Ikinababahala anya ng lokal na pamahalaan ng lungsod kung kaya na ba na i-accommodate ng terminal ang provincial buses.
Ayon sa MMDA ay hindi nila mamadaliin ang implementasyon ng bagong scheme kaya’t posibleng hindi pa ito maipatupad sa August 15.
Iginiit naman ni Garcia na suportado ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang provincial bus ban.
Sa ilalim nito ay hindi na makapapasok ng Balintawak hanggang Magallanes ang ilang mga bus mula sa Bulacan, Bataan at Pampanga at hihinto na lamang sa Valenzuela Gateway Complex Central Integrated Terminal.
Layon nitong mabawasan ang bigat ng trapiko sa kahabaan ng EDSA
Samantala, sasailalim sa inspeksyon ng MMDA kasama ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang integrated bus terminal upang malaman kung kaya nitong i-accommodate ang provincial buses.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.