3 patay, 2 sugatan sa pananambang sa Leyte
Sugatan ang dating pinuno ng Leyte Bureau of Corrections habang nasawi ang tatlong kawani ng piitan matapos tambangan sa Barangay Cadac-an sa Abuyog, Leyte.
Kinilala ang mga nasawi na sina CO3 Nelson D. Patagtag, CO3 Jelanie C. Almario, at CO1 Randy A. Pantano.
Ang mga sugatan naman ay si Senior Superintendent Geraldo Aro at CO Uldarico Mortezo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, patungo ang lima sa Tacloban City Airport nang sila ay tambangan sa Cadac-an Bridge.
Sinasabing armado ang mga suspek ng M16 rifles.
Sa ngayon ay patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga otoridad tungkol sa insidente, partikular ang motibo sa likod nito.
Tumanggi naman si Leyte Provincial Police director Senior Superintendent Norberto Tuazon na magkomento kung may kinalaman ba ang sinasabing nadiskubreng shabu laboratory sa loob ng piitan sa pananambang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.