Pumalpak ang paglalagay ng markings ng Phivolcs at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga kalsadang sapul ng West Valley Fault sa Taguig City.
Halos hindi kasi mabasa ang marka na inilagay ng MMDA sa kalsadang nasa ibabaw mismo ng fault line. Kulay puti ang marka na dapat ay mababasa ang mga salitang “West Valley Fault”.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, aminado si MMDA Chairman Francis Tolentino na hindi nila na-perfect ang paglalagay ng markings.
Sinabi ni Tolentino na first time kasi nilang ginamit ang thermoplastic paint para sa west valley fault markings kaya hindi agad naging maayos ang paglalagay nito.
“Thermoplastic pavement marker po ang ginamit namin na marking, medyo sensitive ‘yung machine galing po ng France yun eh. Niluluto niya yung thermoplastic paint, hindi pa namin na-perfect kasi 1st time eh,” ayon kay Tolentino.
Tiniyak naman ni Tolentino na aayusin ang mga nailagay na markings sa Taguig City na hindi mabasa.
Ayon kay Tolentino, may kasama silang seismologist ng Phivolcs sa ginawang paglalagay ng markings para sigurado ang pwesto ng mamarkahan. Maliban sa mapa, mayroon aniyang compass na gamit ang mga tauhan ng Phivolcs.
Samantala, sinabi ni Taguig Mayor Lani Cayetano na bilang paghahanda sa tinatawag na “The Big One” nagpakalat na sila ng mga enumerators para ikutin ang buong lungsod at matukoy ang mga establisyimento na sapul ng fault line at makapagtakda ng mapa at database sa mga structures.
Sinabi ni Cayetano na gamit ang Global Positioning System o GPS detalyado at tukoy na sa ilalim ng tinawag nilang Taguig City Integrated Survey ang mga structures na maaapektuhan sakaling magkaroon ng lindol./ Dona Dominguez – Cargullo with reports from Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.