Pangulong Duterte, hinamon ang ABS-CBN na samahan siyang buksan ang kanyang bank account
Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang television network na ABS-CBN na samahan siyang magtungo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang buksan ang kanyang bank account.
Sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng Northern Mindanao Wellness and Reintegration Center sa Malaybalay, Bukidnon, sinabi ng pangulo na magbibitiw siya sa pwesto kapag lumampas sa P40 million ang laman ng kanyang bank account.
“I am challenging ABS-CBN, magpunta kami sa Central Bank and I will ask the governor to open my account. I will not give it to the son of a b*tch na kalaban ko,” ani Duterte.
Kung hindi naman anya lalampas sa P40 million ay papipilahin niya anya ang kanyang mga kritiko at pagsasampalin isa-isa.
“This is a challenge which I am hurling at you now. If my bank account exceeds 40 million, I will step down. Pero, pag hindi umabot ng 40 million, mag linya kayo lahat at sasampalin ko kayo isa-isa. Akala ninyo kasi lahat ng tao magnanakaw,” ayon sa Pangulo.
Dagdag pa niya, hindi niya pauubaya sa kanyang kaaway ang pagbubukas sa bank account.
Matatandaang makailang beses na hinikayat ni Sen. Antonio Trillanes ang pangulo na lumagda sa isang waiver para mabuksan ang kanyang bank accounts.
Pinalutang ng senador ang ispekulasyong may halos P1 bilyong halaga ng transaksyon si Duterte sa kanyang mga bank accounts.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.