Heatwave sa Korean Peninsula nagbabadya ng ‘natural disaster sa NoKor
Nababahala ang North Korea sa epekto sa kanilang bansa ng heatwave na nararanasan ngayon sa buong Korean Peninsula.
Ayon sa NoKor, isang ‘natural disaster’ ang nagbabadya dahilan para ipanawagan sa mga mamamayan ang pagtulong sa pagprotekta sa mga tanim mula sa tagtuyot.
Nauna nang nakaranas ng ‘scarcity’ o kakulangan sa pagkain ang bansa.
Ayon sa state media na KCNA, nahaharap sa panganib ang mga tanim na bigas at mais dahil sa tag-init.
Sa ulat ng KCNA, sinabi nitong kasalukuyan nang minamadali ang irrigation equipment at pagggawa sa mga bagong balon at water reservoirs.
Umabot na sa 37.8 degrees Celsius ang temperatura sa Pyongyang na pinakamataas sa kasaysayan habang sa Seoul, South Korea naman ay naitala ang 39 degrees Celsius na pinakamataas din sa kasaysayan.
Umabot na sa 28 ang namamatay sa South Korea dahil sa sobrang init ng panahon.
Ayon sa state-run newspaper na Rodong, dapat magtulungan na ang mga opisyal at ang lahat ng mamamayan sa lahat ng sektor na labanan ang posibleng pinsala ng mataas na temperatura at tagtuyot.
Ipinanawagan ng Rodong ang pagkakaisa ng lahat na maipakita ang kanilang damdaming makabayan sa naturang kampanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.