DOT, nakikiramay sa pamilya ng 7-anyos na bata na namatay dahil sa dikya
Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Tourism o DOT sa pamilyang naiwan ng pitong taong gulang na si Gaia Trimarchi na nasawi dahil sa “sting” ng box jellyfish nang magbakasyon sa Caramoan, sa Bicol Region.
Si Trimarchi, isang Filipino-Italian gold medalist swimmer sa Italya, ay kinapitan ng dikya habang nasa tubig ng Sabitang Laya Island.
Nagawa pa siyang maisugod sa ospital, ngunit dead-on-arrival na siya dahil sa matinding allergic reaction dulot ng jellyfish sting.
Sa isang statement, sinabi ng DOT na iniutos na ni Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang pagkakaloob ng full assistance sa pamilya ng bata at agarang pagtugon sa bagay na may kaugnayan sa insidente gaya ng pagtitiyak ng kaligtasan at seguridad ng mga turista sa rehiyon.
Nag-isyu na rin ang ahensya ng advisory ukol sa preventive steps at emergency response para sa lahat stakeholders sa lugar.
Ayon sa DOT, nagpupulong na ang lahat ng regional directors para talakayin ang mga paraan upang mapalakas ang ugnayan ng mga lider ng mga lokal na pamahalaan sa tourism sites at makabuo ng ligtas na lugar para sa mga turista.
Ito, batay sa DOT, ay bahagi ng kanilang mandato upang umaksyon bilang “primary planning, programming, coordinating, implementing and regulatory agency” para sa pagtataguyod at pagpapaunlad ng turismo ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.