BI aalamin kung nasa bansa ba ang pamilya Napoles na kinasuhan sa Amerika
Nakikipag-ugnayan ang Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Immigration (BI) para malaman kung nasa Pilipinas pa ang mga kamag-anak ni Janet Lim Napoles na kinasuhan ng money laundering sa Amerika.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang mga kaanak ni Napoles na nasa bansa at walang kinakaharap na mga kaso sa korte ay pwedeng maging subject ng request for extradition.
Habang ang kaanak aniya ni Napoles na nasa US na ay agad na maaaresto.
Sinabi ni Guevarra na tutulong ang ahesya sa kanilang US counterparts kabilang ang posibleng extradition ng kinasuhang kaanak ng tinaguriang pork barrel scam queen.
Sa kasong money laundering at conspiracy, sinabi ng American prosecutors na ang perang ipinasok ni Napoles, 3 anak nito, kanyang kapatid at hipag ay ginamit na pambili ng mga assets sa Estados Unidos kabilang ang property at mga mamamahaling sasakyan.
Sa ngayon aniya ay wala pang pormal na hiling ang US para sa extradition ni Napoles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.