Matapos ang Basilan blast, seguridad sa mga paliparan, daungan at iba pang terminal pinahihigpitan ng DOTr
Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na magpatupad ng heightened security sa lahat ng paliparan, daungan, railways, at road transport terminals sa bansa kasunod ng naganap na pagsabog sa Basilan.
Ani Tugade, dapat matiyak na laging naipatutupad ang mahigpit na seguridad sa lahat ng mga nabanggit na public facilities na sakop ng DOTr at mga attached agency nito.
Kaugnay nito sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Capt. Jim Sydiongco na itinaas na nila ang security alert at protocols sa lahat ng kanilang sakop na paliparan.
Inatasan naman ni Office for Transportation Security (OTS) Administrator Usec. Art Evangelista ang lahat ng tauhan ng OTS na mas paigtingin ang ipinatutupad na seguridad.
Maging ang Philippine Coast Guard ay nagpakalat na ng securitiy alert at abiso sa lahat ng PCG units sa bansa.
Magugunitang 10 ang nasawi sa naganap na pagsabog ng isang sasakyan sa checkpoint sa Basilan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.