1 kilo ng marijuana, nasabat sa Lanao del Norte
Mahigit isang kilo ng marijuana ang kinumpiska ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Iligan City, Lanao del Norte.
Tatlo ang arestado sa naturang operasyon, kabilang ang isang menor de edad.
Kinilala ang dalawa pang drug suspek na sina Kevin Christopher Saderna, 26 na taong gulang; at Cedric Nicolo Jamias, 25 taong gulang.
Nabatid na si Jamias ay isang kidnap victim noong 2016 na nasagip ng NBI sa bayan ng Munai.
Ayon kay NBI Iligan chief, Atty. Abdul Jamal Dimaporo, nakalulungkot na matapos nilang sagipin si Jamias noong 2016 ay maaaresto naman ito dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Narekober mula sa sasakyan ni Jamias ang 133 pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na mayroong kabuuang street value na P380,000.
Aminado naman ang suspek sa pagtutulak ng marijuana. Ngunit aniya, naggaling sa Davao ang kanyang source nito.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.