Ben Tulfo nanindigang hindi isasauli ang kontrobersyal na P60M
“Mamuti na mga mata niyo!”
Ito ang patutsada ng mamamahayag at kapatid ni dating Tourism Secretary Wanda Teo na si Ben Tulfo sa mga nagsasabi sa kanya na ibalik ang P60 milyong advertising contract na ibinayad ng Department of Tourism (DOT) sa kanyang media company na Bitag Media Unlimited, Incorporated.
Sa isang Facebook post ay ipinaliwanag ni Tulfo na pinaghirapan ng kanyang kumpanya ang naturang bayad.
Hinamon pa ni Tulfo ang kanyang mga kritiko na patunayan ang mga sinasabing iregularidad sa pag-ere ng mga advertisement ng DOT.
Giit ni Tulfo, hawak nila ang mga dokumento na magpapatunay sa ligalidad ng kontrada.
Dagdag pa nito, mayroon silang pinirmahang lehitimong advertising contract ng PTV-4 para sa kanyang programang “Kilos Pronto.”
Hamon pa nito, sampahan na lamang siya at kanyang kumpanya ng kaso sa Commission on Audit (COA) at Office of the Ombudsman.
Matatandaang nag-ugat ang isyu sa inilabas na 2017 audit report ng COA kung saan nakasaad na nagbayad ng P60.010 milyon ang PTV-4 sa BMUI dahil sa pagpapalabas ng advertisement ng DOT sa kanilang programa.
Nakasaad sa isa pang report ng COA na mayroong conflict of interest sa pagpapalabas ng mga advertisement.
Samanatala, ang abugado naman ni Teo na si Atty. Ferdinand Topacio ang nagsabi na isasauli ni Tulfo ang P60 milyon.
Dahil sa naturang kontrobersiya ay nagbitiw si Teo sa kanyang panunungkulan bilang kalihim ng DOT.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.