2020 Tokyo Olympics organizers kampante sa kabila ng construction delays sa mga venue
Hindi nangangamba ang mga organizers na magdudulot ng aberya sa paghahanda para sa 2020 Tokyo Olympics ang pagkakaurong ng konstruksyon ng dalawa sa mga key venues para sa palaro.
Inanunsyo noong nakaraang buwan ng Tokyo Metropolitan Government (TMG) na magkakaroon ng delay na aabot sa dalawang buwan ang konstruksyon sa Olympic Aquatics Center at Sea Forest Waterway.
Nagresulta ito sa ilang ulat ng media na kinakailangang i-reshuffle ng organizers ang test event schedules.
Gayunman, ayon kay Tokyo 2020 spokesman Masa Takaya, sa kabila ng construction delays ay sinisiguro ng TMG at Tokyo 2020 Olympics Committee na wala itong epekto sa game preparations o sa running test events.
Ayon kay Takaya, ang Sea Forest Waterway na host ng ‘rowing’ ay matatapos sa May 2019 dahilan para maisagawa pa rin sa August 2019 ang nakatakdang test event.
Ang Olympic Aquatics Center naman na host para sa swimming at diving ay matatapos sa February 2020 kung saan inaasahang mapatupad ang test events sa buwan ng Abril at hindi pa rin makakaapekto sa mismong palaro.
Ayon kay Takaya, ‘right on track’ ang Tokyo 2020 at kinikilala umano ng International Olympic Committee (IOC) ang paghahanda ng lungsod para sa mga venue na may tamang pangangasiwa at mataas na kalidad.
Nakatakdang maganap ang 2020 Olympics mula July 24 hanggang August 9.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.