Kampo ni Bongbong Marcos pinalagan ang pagpabor ng COMELEC sa 25% shading threshold
Tinawag ng kampo ni Bongbong Marcos na iligal at pagpabor sa pandaraya sa 2016 vice presidential race ang pagkatig ng Commission on Elections (COMELEC) sa 25% shading threshold.
Sa isang pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng dating senador na si Atty. Vic Rodriguez na hindi na sila nagulat sa naging pasya ng COMELEC.
Aniya, malinaw ang pagsasabwatan at hindi naman ito aaminin ng mga sangkot.
Paliwanag pa ng kampo ni Marcos, ang layunin ng election protest ay upang kwestyunin ang misconduct ng COMELEC noong 2016 national elections sa ilalim ni Andy Bautista na matatandaang nasibak sa pwesto. Malinaw anila ang misconduct sa dayaang nangyari na pabor naman kay Vice President Leni Robredo.
Matatandaang una nang hiniling ni Marcos na gamitin ng Supreme Court na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang 50% shading threshold sa recount ng kanilang natanggap na boto ni Robredo dahil ito ang ginamit ng COMELEC sa mga nakaraang eleksyon.
Ngunit giit naman ng ikalawang pangulo, nagpasa ng resolusyon ang COMELEC na gamitin ang 25% shading threshold para sa 2016 national elections.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.