Pananatili ni Suarez bilang minority leader tinawag na pagsalaula sa legislative process ng isang mambabatas
Nababahala si Caloocan City Representative Edgar Erice sa pagmamatigas ni Quezon Representative Danilo Suarez na bumaba sa pagiging House minority leader.
Sa isang panayam ay sinabi ni Erice na isang pagsalaula sa legislative process ang pagpupumilit ni Suarez at Buhay Partylist Representative Lito Atienza na sila ang minority bloc.
Aniya, tila isa itong pagkakait sa taumbayan na magkaroon ng boses sa Kongreso.
Pagdidiin ni Erice, malinaw ang panuntunan ng Kamara na ang mga bumoto pabor sa bagong luklok na House Speaker ay silang ituturing na majority, habang ang mga bumoto sa kalaban at maging ang mga nag-abstain ang sila namang magiging bahagi ng minorya.
Si Suarez ay bumoto para kay Gloria Macapagal-Arroyo na siya nang pinuno ng Mababang Kapulungan.
Ayon sa mambabatas, dahil sa pagpupumilit ni Suarez, lalong mawawalan ng kredibilidad ang Kongreso dahil sa kawalan ng check and balance dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.