VP Robredo masaya sa laman ng SONA ni Pangulong Duterte
Ikinatuwa ni Vice President Leni Robredo ang ilan sa mga naging bahagi ng talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) .
Ito ang inihayag ng ikalawang pangulo sa isang ambush interview.
Ayon kay Robredo, masaya siya sa mga sinabi ni Pangulong Duterte tungkol sa mga panukalang batas na sinusuportahan nito katulad ng National Land Use, Coco Levy Fund, maging iyong patungkol sa security of tenure sa mga manggagawa.
Aniya, marami sa mga binanggit na panukala ng pangulo ay siya ring kanyang mga adbokasiya.
Kaya naman masaya si Robredo dahil nabibigyan na ito ng atensyon sa ngayon.
Ngunit aminado si Robredo na nakukulangan at hindi siya sang-ayon sa ilang mga isyu na binanggit ng pangulo.
Partikular ang sinabi ng pangulo na ang ipinaglalaban niya ang human life at hindi ang human rights.
Paliwanag ng ikalawang pangulo, wala namang ipinagkaiba ang dalawa dahil aniya ang pangunahing karapatan ng isang tao ay ang mabigyan ng pagkakataong mabuhay.
Aniya pa, tila magkasalungat ang sinabi ng pangulo na pinapahalagahan niya ang buhay ng tao, gayung sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga ay marami na ang namamatay.
Dagdag pa ni Robredo, nakulangan siya sa talumpati ng pangulo dahil hindi masinsinang sinabi ng pangulo ang status tungkol sa mga isyu katulad ng inflation, Tax Acceleration for Inclusion (TRAIN) Law, at Pantawid Pasada program.
Hindi rin aniya binanggit ni Pangulong Duterte ang tungkol sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.