Halos 1 milyong katao naapektuhan ng pagbaha dulot ng bagyo at habagat – DSWD
Umabot na sa 5,430 na pamilya o 23,383 na katao ang inilikas sa iba’t ibang rehiyon sa Luzon dahil sa malakas na pag-ulan na nagdulot na ng pagbaha.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Lunes ng umaga, ang mga inilikas ay nasa 135 na evacuation centers sa Ilocos, Cordillera Administrative, Central Luzon, National Capital, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region.
Bukod pa rito, may naitala ring 64,594 pamilya o tinatayang 257,958 katao ang lumikas mula sa Ilocos, Central Luzon, at Western Visayas Regions at kasalukuyang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.
Sa kabuuan, 203,032 pamilya o 914,338 katao mula sa pitong rehiyon sa Luzon ang naapektuhan ng masamang panahon dulot ng southwest monsoon.
Tinatayang nasa P14,904,284 halaga ng tulong ang ibinigay sa mga pamilyang apektado kung saan P9,017,848.48 ay galing sa DSWD at P5,886,436.00 ay galing sa lokal na pamahalaan.
Ayon rin sa ulat ng DSWD, 173 kabahayan ang napinsala ng malakas na pag-ulan. 6 sa mga ito ay tuluyang nasira at 157 ang bahagyang nasira.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.