Umabot na sa 30 ang nasawi sa heatwave na nararanasan ngayon sa Japan.
Dahil dito, pinayuhan na ng gobyerno ang mga mamamayan na gumawa ng mga hakbang para maiwasan ang mga banta ng mainit na panahon.
Sa nakalipas na linggo ay libu-libo na ang tumungo sa mga ospital para magpagamot dahil sa mga sakit na sinasabing may kinalaman sa mainit na temperatura.
Sa unang bahagi ng linggong ito ay pumalo sa 40.7 degrees Celsius ang temperatura sa central Japan na pinakamataas sa loob ng limang taon.
Sa Tokyo City ay 317 katao ang isinugod sa ospital.
Ang init namang nararanasan sa Kyoto City ay pitong araw nang lumalampas sa 38 degrees Celsius na unang beses sa kasaysayan simula ng magtala noong 19th Century.
Dahil dito, hinimok ng Japan Meteorological Agency ang mga tao na uminom ng sapat na dami ng tubig para maiwasan ang heat exhaustion.
Nag-utos na rin ang Education Ministry ng bansa sa mga paaralan na magsagawa ng precautionary measures para maiwasan ang heat stroke.
Ito ay matapos mamatay sa isang outdoor class ang isang 6-year old na batang lalaki sa Aichi Prefecture noong Martes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.