3 sa 5 may sakit na HIV nakatatanggap na ng gamot ayon sa UN
Umakyat na ang bilang ng mga taong nakatatanggap ng gamot para sa sakit na human immunodeficiency virus (HIV) batay sa huling datos ng United Nation’s HIV/AIDS agency.
Lumabas sa naturang pag-aaral na tatlo sa bawat limang mayroong sakit na HIV, o halos 21.7 milyon ang sumailalim sa antiretroviral therapy noong 2017.
Nangangahulugan ito na sa 36.9 milyong tao na mayroong sakit na HIV, 15.2 milyon lamang ang hindi nakakakuha ng gamot na kailangan nila. Ito ay ang pinakamababang bilang na naitala ng UNAIDS simula noong 1980s.
Samantala, sa kabuuan, nasa 35.4 milyon na ang namatay simula pa noong unang sumiklab ang naturang epidemya.
Ngunit pangamba ni UNAIDS executive director Michel Sidibe, posibleng matigil ang naturang progreso dahil sa kakulangan ng $7 bilyong pondo kada taon.
Samantala, nagkaroon naman ng pagbaba ang bilang ng populasyong nagkaroon ng AIDS noong 2017. Mula sa 1.9 milyon noong 2016, bumaba ito sa 1.8 milyon noong nakaraang taon.
Pinakamataas na naitalang bilang ay noong 1996 na siyang maituturing na peak ng epidemya kung saan 3.4 milyon ang nagkaroon ng sakit na HIV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.