Bagyong Henry napanatili ang lakas; signal #1 nakataas sa ilang bahagi ng Northern Luzon
Napanatili ng Tropical Depression ‘Henry’ ang lakas nito habang kumikilos patungong Extreme Northern Luzon.
Sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 500 kilometro Silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay ng Bagyong Henry ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometro kada oras.
Inaasahang babaybayin ng bagyo ang bisinidad ng Babuyan Group of Islands mamayang gabi.
Nakataas ang Signal no. 1 sa Batanes, hilagang bahagi ng Cagayan kabilang na ang Babuyan Group of Islands, hilagang bahagi ng Apayao, at hilagang bahagi ng Ilocos Norte.
Hinahatak ng bagyo ang Habagat na magpapaulan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, Palawan, Western Visayas.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga mabababang lugar at mga kabundukan sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat din ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Inaasahang sa Miyerkules ng umaga, lalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.