PNP pansamantalang magbibigay ng 2 police escorts para kay Trillanes
Ipinag-utos ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde sa Police Security and Protection Group (PSPG) na pansamantalang bigyan ng dalawang police security personnel si Sen. Antonio Trillanes.
Ito ay matapos isiwalat ng senador na inalisan siya ng police at military escorts ng walang dahilan.
Ayon kay PNP Spokesman Benigno Durana Jr., pansamantala lamang ito habang sumasailalim sa review ang lahat ng PSPG personnel na ibinigay sa mga VIP, halal at itinalagang mga opisyal at mga pribadong indibidwal.
Ayon kay Durana, isinasagawa ang review upang mai-maximize ng PNP ang paggamit sa available na Human Resources.
Ang pag-alis sa security escorts ni Trillanes ay nagpa-ugong sa mga ispekulasyong siya na ang susunod na target ng pananambang.
Sinasabing tinanggalan din ng police escorts si Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili bago ito pagbabarilin.
Samantala, sinabi naman ni Albayalde na batay sa umiiral na polisiya ng PNP maaaring nag-expire lamang ang security detail ni Trillanes kaya ini-alis ang kanyang police escorts.
Iginiit pa ng PNP Chief na wala silang natanggap na kautusan mula sa Malacañang na tanggalan ng police security ang senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.