Walang interesado sa pagiging Chief Justice ayon sa isang JBC member
Isiniwalat ni Judicial and Bar Council (JBC) member Atty. Jose Mejia na tila walang may interes sa pagka-Chief Justice matapos itong mabakante mula pa noong June 19 kasunod ng pagpapatalsik kay Ma. Lourdes Sereno.
Ayon kay Mejia, hanggang July 13 ay wala pang aplikasyon o nominasyong naisumite sa JBC.
Bagaman awtomatikong nominado para sa posisyon ang limang most senior justices ng Korte Suprema, ay kinakailangan anyang tumugon ang mga ito kung tatanggapin ba nila ito o tatanggihan.
Ipinaliwanag ng abogado na upang makonsidera bilang nominee at aplikante para sa pagka-punong mahistrado kailangang pormal na tanggapin ng most senior justices ang kanilang automatic nomination.
Ang limang most senior justices ng SC sa ngayon ay sina acting Chief Justice Antonio Carpio at mga Associate Justices na sina Teresita Leonardo-de Castro, Lucas Bersamin, Diosdado Peralta at Presbitero Velasco. Jr.
Sa ilalim ng Saligang Batas, kailangang magkaroon ng bagong CJ sa loob ng 90 araw matapos itong mabakante.
Dahil dito kinakailangang makapagtalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ng papalit kay Sereno bago o mismong sa Sept. 16.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.