De Lima umaasa pa ring papayag ang PNP na magsagawa ng committee hearing habang nakakulong
Umaasa pa rin si Senator Leila de Lima na papayagan siya ng Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng committee hearings sa Camp Crame.
Ito ay makaraang ipaubaya ni PNP chief Director General Oscar Albayalde sa korte ang pagpapasya sa naturang usapin.
Una rito, hiniling ni Senate President Vicente Sotto III kay Albayalde na hayaan si De Lima na gampanan ang kaniyang tungkulin bilang senador habang sya ay nasa custodial center.
Sa pahayag ni De Lima, nais niyang magawa ang kaniyang trabaho bilang chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, kung saan may mga nakabinbin na panukalang batas.
Maari aniyang maling payong legal ang ibinigay kay Albayalde kaya nagpasya itong ipaubaya sa korte ang usapin.
Hindi naman umano hinihiling ni Sotto na payagan siyang lumabas ng detention room, sa halip ang tanging inihihirit lamang ay makapagsagawa ng committee hearings sa Camp Crame.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.