Hirit ni dating Sen. Marcos na imbestigahan ang outing ng revision team ni Robredo, ibinasura ng PET
Ibinasura ng Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang hiling ni dating senador Bongbong Marcos na imbestigahan ang kontrobersyal na outing ng mga tauhan ng PET at ng revision team ni Vice President Leni Robredo.
Sinabi ng Korte Suprema na kinikilala nito ang manifestation of grave concern ni Marcos pero hindi nito pinagbigyan ang hiling ng dating senador na imbestigahan ang usapin dahil tapos na ang imbestigasyon ng PET.
Hindi naman isinaad sa resolusyon ng Korte Suprema ang resulta ng imbestigasyon sa usapin.
Pinaiimbestigahan ni Marcos ang pagdalo ng revisor ni Robredo na si Osmundo Abuyuan sa isang outing sa Laguna.
Iginiit ng dating senador na ipinagbabawal ang pakikipagkaibigan sa revisors ng kanyang panig o ni Robredo. Aniya pa, mataas ang posibilidad na sa pagsama ng revisor ni Robredo sa PET personnel ay magresulta sa pagpabor sa kampo ng bise presidente.
Una nang sinabi ng kampo ni Robredo na hindi lingid sa kaalaman ni Marcos ang outing dahil inimbitahan din ang kanyang kampo rito. Katunayan din anila ay nagpadala rin ang kampo ng dating senador ng pagkain para sa outing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.