Pulitika ang posibleng motibo sa pagpatay sa vice mayor sa Tawi-Tawi – PNP
Pulitika ang nakikitang motibo ng Philippine National Police sa likod ng pagpatay kay Vice Mayor Alrashid Mohammad Alih ng Sapa-sapa, Tawi-Tawi.
Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, ito lamang ang dahilang nakikita ng pulisya at ng kaanak ng biktima sa pananambang.
Ipinahayag ni Albayalde na inihahanda kasi si Alih para tumakbo sa pagkaalkalde sa susunod na taon.
Kasalukuyang nakaupo ang ama ni Alih bilang alkalde ng Sapa-Sapa na nasa kanyang ikatlo at huling termino na.
Sinabi ni Albayalde na si Alih ang nakikita ng kanyang pamilya na ilalaban sa darating na halalan.
Si Alih na ang ikalawang vice mayor na pinaslang sa loob ng isang linggo.
Samantala, iniugnay naman ni Albayalde sa eleksyon sa susunod na taon ang mga nagaganap na pagpatay sa mga lokal na opisyal.
Inatasan na ng PNP chief ang mga pulis na paigtingin ang operasyon sa checkpoints at pagbutihin pa ang police visibility.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.