Pangulong Duterte binanatan muli ang Simbahan ilang araw matapos ang pagpupulong sa CBCP
Sinuway ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako kay Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo Valles na magpaptupad siya ng ceasefire o titigil na muna sa pagbanat sa Simbahang Katolika.
Sa talumpati ng pangulo sa National Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Summit 2018 sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Convention Center (ACC) sa Clark Freeport Zone, Pampanga, muli nitong binanatan ang mga kagawad ng Simbahan.
Ayon sa pangulo, hindi dapat na gamitin ng mga pari ang panginoon dahil kapag nagkataon, papatayin niya ang mga pari. At gagamitin din niya aniya ang Panginoon sa kanyang pagdepensa.
Hindi aniya dapat na maghihinakit ang mga kagawad ng Simbahan dahil Diyos ang ginagawang front sa mga pagbatikos sa kanya.
Muli ring iginiit ng pangulo na hindi estupido ang kanyang kinikilalang panginoon para lumikha ng impyerno.
Hindi rin naniniwala ang pangulo sa heaven.
Kapag kasi aniya naniwala siya sa heaven o langit, ilan lamang sa kanyang mga kaharap na crowd sa Pampanga ang makapupunta sa langit; habang iyong mga nakikita niya na may dalawang asawa o tatlo, maging ang mga playboy ay makikita niya sa impyerno.
Ayon sa pangulo, hindi bastos, hindi palamura ang kanyang panginoon.
Bukod dito, wala rin aniyang ibang sinasabi ang kanyang panginoon kundi ang Ten Commandments lamang.
Ayon pa sa pangulo, ang kanyang panginoon ay ang 6 milyon at ang ibang Pilipino na bomoto sa kanya.
Samantala, muli ring naghamon ang pangulo sa sinuman na makapagseselfie sa Panginoon. Aniya, kapag may nakagawa nito ay agad siyang bababa sa puwesto bilang pangulo ng bansa. Kung mayroong din aniya na makapagpapatunay na mayroong Diyos ay nakahanda na rin siya na magpapatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.