Mag-asawang Chinese na suspek sa pamamaril sa Chinese diplomats, arestado
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang mga suspek sa pamamaril sa Cebu City na ikinamatay ng dalawang Chinese diplomats at ikinasugat ng Chinese Consul General.
Kinilala ang dalawang namatay na sina Chinese Deputy Consul Sun Shan at finance officer Hui Li, habang nasugatan lamang at ngayo’y nasa maayos na kalagayan na si Chinese Consul General Song Rong Hua.
Ayon kay Central Visayas police director Chief Supt. Prudencio Tom Bañas, sumasailalim na sa pagtatanong ang mag-asawang sina Consul Gou Jing at Li Qing Ling.
Hindi bababa sa siyam na Chinese nationals ang naroon sa Lighthouse Restaurant kung saan naganap ang insidente.
Base sa mga testimonya ng mga empleyado ng nasabing kainan, mistulang nagkaroon ng argumento sa pagitan ng grupo na kumakain ng pananghalian dakong 1:20 ng hapon.
Ani Bañas, napansin ito ng mga servers ng makarinig na sila ng pagtataasan ng mga boses na senyales ng isang nagaganap na argumento, na sinundan na ng mga putok ng baril.
Narekober sa crime scene ang isang .45 cal Colt Defender, tatlong basyo ng bala, dalawang deformed slugs at isang live ammunition.
Base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) footage ng mga pulis, nakita si Li na may hawak na baril nang bumulagta si Hui matapos nitong tamaan ng bala.
Inilapag ni Li ang baril sa mesa, at sa isa pang footage ay nakita naman ang isang babae, na tinukoy ng mga pulis na si Gou, na may bitbit na baril habang palabas ng restaurant.
Dahil dito, tuluyang inaresto ng mga pulis ang mag-asawa sa Chinese consulate office sa Cebu Business park matapos silang magtungo matapos ang krimen.
Inaalam pa ng mga pulis ang sanhi ng pagtatalo, maging ang motibo ng pamamaril.
Aminado naman si Bañas na nahihirapan silang makakuha ng pahayag mula sa mga kinukwestyong hinihinalang suspek dahil kinailangan pa nilang maghanap ng interpreter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.