Ihahatid na sa huling hantungan ang mga labi ng napaslang na si Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili.
Magsasagawa ng isang funeral mass para sa alkalde alas-8:00 hanggang alas-9:30 ng umaga sa Saint John the Evangelist (SJE) Parish Church.
Matapos ang misa ay dadalhin ang mga labi ni Mayor Tony sa Tanauan City Hall para sa public viewing at necrological service na nakatakda mula alas-10:30 ng umaga hanggang alas-2:30 ng hapon.
Matapos naman ito ay isang funeral march mula Tanuan City Hall hanggang Loyola Gardens ang magaganap bago ang paglilibing ganap na naka-iskedyul alas-3:00 ng hapon.
Dahil sa mga nasabing aktibidad ay isasara pansamantala ang kalsada mula Saint John the Evangelist (SJE) Parish Church hanggang sa city hall mula alas-9:00 hanggang alas-11:00 mamaya.
Inabisuhan ang mga motorista na manggagaling sa Talisay, Batangas na dumaan sa Sala Road habang ang mga manggagaling naman sa Tanuan City proper ay pinadadaan sa Tinurik Road.
Samantala, sinabi ni CALABARZON Police Regional Office (PRO) regional director Edward Carranza na nasa higit-kumulang 100 pulis ang ipakakalat sa paglilibing sa pumanaw na alkalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.