DSWD, ipinagtanggol ang P200 na buwanang ‘cash grant’ sa mga benepisyaryo ng UCT
Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi pang-iinsulto sa mga mahihirap na benepisyaryo ng unconditional cash transfer (UCT) ang P200 buwanang cash grant.
Ayon sa kagawaran, layon lamang nito na ayudahan ang mga mahihirap na Filipino upang makaagapay ang mga ito sa epekto ng ipinatutupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Ayon kay DSWD Secretary Virginia Orogo, hindi ito pang-iinsulto at ang naturang probisyon sa UCT ay masusing pinag-aralan ng mga mambabatas at ng Department of Finance.
Iginiit pa ng kalihim na ang UCT ay hindi ibinibigay para tugunan ang lahat ng pangangailangan ng bawat maralitang pamilya ngunit upang makatulong sa epekto ng paggalaw ng presyo sa mga bilihin bunsod ng excise tax.
Wala pa anya silang naeengkwentrong benepisyaryo na nainsulto sa ibinibigay na ayuda sa ngayon at nagpapasalamat pa nga anya ang mga ito.
Ang ayuda ay naibigay na sa 4 na milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Umaasa ang kagawaran na maiibigay nila ang ayuda sa 8 milyong benepisyaryo sa kabuuang 10 milyon sa katapusan ng Hulyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.