Eastern Japan, niyanig ng 5.9 magnitude na lindol
Niyanig ng 5.9 magnitude na lindol ang Eastern Japan, araw ng Sabado (July 7).
Batay sa US Geological Survey o USGS, nairekord ang lindol dakong 8:23 ng gabi doon.
May lalim itong 39 kilometers Silangang baybayin ng Honshu, Japan.
Sa kabila ng pagyanig, sinabi ng meteorological agency ng Japan na walang tsunami warning na inisyu.
Wala ring naiulat na pagkasira sa mga ari-arian at wala ring sugatan o nasawi, bagama’t may mga residente sa bahagi ng Chiba region sa labas ng Tokyo ang nagreport ng malakas na pagyanig.
Ang Narita airport naman, pansamantalang nagsara ng runways subalit agad ding ibinalik ang normal na operasyon makaraang makumpirmang walang naitalang pagkasira.
Ang naturang lindol ay naitala ilang linggo makalipas ang malakas na lindol sa Osaka region na ikinasawi ng limang katao at ikinasugat ng hindi bababa sa tatlong daang indibidwal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.