Ilang crime syndicates sa Bilibid, nakakapag-operate pa rin
Patuloy pa rin ang operasyon ng criminal syndicates sa New Bilibid Prison (NBP), ayon sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).
Ayon sa hepe ng PNP-AKG na si Senior Supt. Glenn Dumlao, kabilang dito grupong dumukot sa isang negosyanteng Chinese noong June 24.
Sinabi ni Dumlao na ikinasa ng grupo ni Tyrone Resureccion de la Cruz ang pagdukot kay Huang Bo Yu sa loob mismo ng NBP.
Si De la Cruz ay isang kidnapping convict na sinentensyahan ng habang buhay na pagkakabilanggo. Siya rin ang itinuturong utak sa pagdukot kay Yu.
Ayon kay Dumlao, malaya pa rin ang iba pang mga kasabwat ni De la Cruz, kabilang ang isang dating pulis na nahaharap sa mga kaso ng drug trafficking pero nakapagpyansa ng P800,000.
Sinagip si Yu sa isang sting operation noong June 27 kung saan naaresto ang apat na tauhan ni De la Cruz.
Ayon kay Dumlao, nagawa pang makipagnegosasyon ni De la Cruz para sa ransom ni Yu bagaman nakakulong siya sa Bilibid. Aniya, nakapuslit kasi ng cellphone ang preso.
Nakumpiska na ng pulisya at ng Bureau of Corrections ang naturang cellphone mula kay De la Cruz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.