Dapat pagsabihan nina Vice President Jejomar Binay at dating DILG Secretary Mar Roxas ang kanilang mga kaalyado sa partido na tigilan na ang pagbanat sa isyu ng citizenship ni Sen. Grace Poe.
Ito ang giit ni Senador Francis Escudero na running mate ni Sen. Poe sa 2016 elections.
Paliwanag ni Escudero, laging binabanggit nina Binay at Roxas na Pilipino si Sen. Poe ngunit ang mga kaalyado at mga malalapit na kaibigan ng mga ito mismo ang patuloy na bumabatikos sa senadora.
Dahil aniya dito, nababahiran ng duda ang mga pahayag at sinseridad ng dalawang presidentiable.
Una rito, mismong si dating senador Richard Gordon ang nagbunyag na may mga miyembro ng United Nationalist Alliance at Liberal Party ang lumapit sa kanya upang pagtulungang madisqualify si Sen. Poe sa 2016 polls.
Ayon kay Gordon, nais ng ilang miyembro ng UNA at LP na kanyang sampahan din ng disqualification case si Sen. Poe.
Sa panig naman ng LP, mariin nitong itinanggi na kanilang kinausap si Gordon upang ipa-disqualify din si Poe.
Giit ni LP Spokesperson at Marikina Rep. Miro Quimbo, walang kinalaman ang LP sa smear campaign laban kay Sen. Poe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.