Kakulangan ng sapat na tulong sa mga biktima ng Yolanda, binatikos
Halos 100 na miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo ang nagsagawa ng protesta kahapon sa Leyte dahil sa umano’y hindi pagbibigay ng pamahalaan ng sapat na tulong sa lahat ng mga biktima ng super bagyong Yolanda.
Isinagawa nila ang protesta hindi nalalayo sa lugar kung saan ginanap ang 71st Leyte Gulf Landings na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang embahada kung saan sila ay nagbigay pugay sa tibay na ipinakita ng mga survivors ng Yolanda.
Ang 71st Leyte Gulf Landings ay isang taunang programang isinasagawa para alalahanin ang pagdating ng mga pwersang Amerikano sa pamumuno ni Gen. Douglas McArthur.
Ayon sa tagapagsalita ng Katungod-Sinirangan Bisayas na si Jun Berino, hindi nagbigay ng sapat na tulong ang pamahalaan sa mga survivors ng Yolanda na matinding tumama sa Leyte dalawang taon na ang nakalilipas.
Aniya, hanggang ngayon ay libu-libong pamilya pa rin ang naninirahan sa mga temporary shelters at walang ideya ang mga ito kung kailan sila maililipat sa kanilang mga permanenteng tahanan.
Binatikos rin ng grupo ni Berino ang pamimigay ng emergency shelter assistance (ESA) na huli nang dumating o kaya’y bigong mabigyan ang mga pamilyang karapatdapat talagang mabigyan.
Pinigilan naman ng mga antiriot police ang mga ito na makalapit sa MacArthur Landing Memorial National Park na pinagdarausan ng commemorative program.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.