DOH, nagbabala sa paglobo ng kaso ng dengue ngayong tag-ulan
Inaasahan ng Department of Health (DOH) ang paglobo ng biktima ng dengue ngayong tag-ulan.
Sa isang panayam sinabi ni Health Undersecretary Dr. Rolando Enrique Domingo na malapit na ang peak season ng paglobo ng kaso dengue o sa pagitan ng mga buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto.
Ang dengue ay nakukuha sa pagkagat ng lamok na aedes aegypti na carrier ng impeksyon.
Inihayag din ng opisyal na naitala na ang pagtaas ng kaso ng dengue sa ilang mga lalawigan.
Samantala, nagpaalala namang muli ang kagawaran kung paano makakaiwas sa naturang sakit.
Kabilang sa mga ipinaalala ng DOH ang paghanap at pagsira sa lahat ng maaaring pugaran ng mga lamok, pagsusuot ng mga damit na may mahahabang manggas, paggamit ng mosquito nets, insect repellants at iba pa.
Sa pinakahuling datos ng DOH para sa kaso ng dengue sa buong bansa, nakapagtala na ng 26,042 dengue cases mula Enero hanggang Marso 31.
Mas mababa naman ito ng 17 porsyento sa naitala sa kaparehong panahon noong 2017 o 31,358 cases.
Kabilang sa mga may pinakamatataas na bilang ng kaso ng dengue ay naitala sa Metro Manila, CALABARZON, Gitnang Luzon, Gitnang Visayas at Hilagang Mindanao.
Samantala, nagbabala rin ang kagawaran sa isa pang mga sakit tuwing tag-ulan tulad ng leptospirosis, diarrhea at gastroenteritis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.