Duterte, hindi na pipilitin si Carpio na maging susunod ng SC Chief Justice
Wala nang magagawa si Pangulong Rodrigo Duterte kung ayaw ni Acting Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio na maging punong mahistrado kapalit ng napatalsik na si dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Ayon sa pangulo, para naman siyang sira-ulo kung itatalaga pa rin si Carpio kahit naging hayagan na ang pagtanggi nito na maging pinuno ng Mataas na Hukuman.
Sa ngayon, sinabi ni Duterte na hihintayin na lamang niya ang isusumiteng short list ng Judicial and Bar Council o JBC.
Dagdag ng punong ehektibo, kukunsultahin din niya ang ilang mga abogado at ang kanyang naging law professor noong nag-aaral pa siya ng abogasya sa San Beda College of Law.
Nauna nang inihayag ni Carpio na kanyang tinatanggihan ang nominasyon para maging Supreme Court Chief Justice, dahil ayaw daw niyang makinabang sa naging pasya ng Korte Suprema ukol sa quo warranto laban kay Sereno.
Isa si Carpio sa mga mahistrado na bumotong kontra sa quo warranto, subalit napatalsik pa rin si Sereno sa pwesto. / Chona Yu
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.