Pinsalang tinamo ng Aurora kay Lando, halos katulad ng sa bagyong Yolanda
Hindi nalalayo sa epekto ng bagyong Yolanda ang pinsalang iniwan ng bagyong Lando sa bayan ng Casiguran sa Aurora.
Ayon kay Aurora 2nd District Board Member Tony Curitana, hindi niya naiwasang mapaluha nang mapasok at malibot niya ang Casiguran.
Kung ano aniya ang nakita niya noong nanalasa ang bagyong Yolanda ay iyon din ang eksenang tumambad sa kaniya ngayong tumama ang bagyong Lando.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, inilarawan ni Curitana na ‘total wreck’ ang maraming kabahayan sa Casiguran, bagaman may mga naiwan pa rin namang nakatayo at hindi nawasak.
Base aniya sa pahayag ng mga residente sa Casiguran, napakalakas ng hangin na bumayo doon at matindi ang buhos ng ulan.
Simula noong Biyernes ay hindi napasok ng mga otoridad ang nasabing bayan sa Aurora at kahapon lamang ng hapon nagawang madaanan ang kalsada patungo doon.“Ang epekto ng bagyong Lando ay pareho ng epekto sa Casiguran ng Yolanda. Sobra daw lakas talaga ng hangin at ulan. Total wreck ika nga, may nakatindig pa rin pero may nasira, marami talaga,” ayon kay Curitana.
Sinabi ni Curitana na unti-unti nang humuhupa ang baha sa Casiguran at napapasok na ito ng motorsiklo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.