Pilipinas nag-alok ng tulong sa Japan kasunod ng lindol noong June 18
Nag-alok ang Pilipinas sa pangunguna ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ng tulong sa Japan matapos ang magnitude 6.1 na lindol na tumama sa bansa noong June 18.
Ayon sa DFA, ang alok ay isinagawa sa kasagsagan ng pulong sa pagitan nina Cayetano at Japanese Foreign Minister Taro Kono bago ang 5th Meeting of the Philippines-Japan Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation (JCM) sa Tokyo.
Ayon kay Ambassador to Tokyo Jose Laurel V, nagpahayag ng pakikiramay si Cayetano kay Kono sa nasabing lindol at tiniyak na handa ang Pilipinas na tumulong sa Japan tulad ng pagiging laging handa nitong tumulong sa Pilipinas sa oras ng kalamidad.
Ang naturang lindol na tumama sa Kansai region ay kumitil sa buhay ng tatlo katao habang mahigit isandaan ang sugatan.
Samantala, sa pulong na naganap sa Tokyo ay pinagtibay pa ang relasyon ng Pilipinas at Japan at pinag-usapan ang mas pinag-igting na pagtutulungan ng dalawang bansa sa aspeto ng social security, imprastraktura, defense and security at maging counter-terrorism.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.