Mga kongresista na mapatutunayang sangkot sa ilegal na droga sisibakin
Nagbabala si House Dangerous Drugs Committee Chairperson at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tatanggalin sa puwesto ng liderato ng kamara ang mga kongresista na mapapatunayang sangkot sa ipinagbabawal na droga.
Ayon kay Barbers, sa ilalim ng rules ng House of Representatives, basta mayroong basehan ang ahensiya na nagva-validate ng kanilang pagkakasangkot sa droga at mayroong mai-file na kaso o criminal case laban sa miyembro ng kamara ay maaaring kumilos ang liderato para tanggalin sila sa hanay ng mga miyembro ng mababang kapulungan.
Iginiit naman ng kongresista, na maaring dumaan din sa isang pagdinig sa ethics committee ang reklamo laban sa isang miyembro ng kamara.
Gayunman, hindi naman aniya maaring walang committee hearing kung ang kinasasangutang krimen ay capital offense.
Iginiit ni Barbers na sa mga ganitong usapin ay magdedesisyon agad ang kongreso para tanggalin sa hanay ang isang kongresista na may ganitong kinasasangkutan.
Nilinaw naman ni Barbers na ang listahan ng narco-politicians ay nasa kamay ng presidente at intelligence community at may kautusan si Pangulong Duterte na i-validate itong mabuti at hanapan ng matibay na ebidensiya na maaaring ikapanalo sa korte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.