Monsoon break mararanasan ng bansa sa mga susunod na araw – PAGASA
Makararanas ng ‘monsoon break’ ang bansa sa mga susunod na araw dahil sa paghina ng southwest monsoon o hanging habagat ayon sa PAGASA.
Ayon kay PAGASA weather specialist Samuel Duran, posibleng hindi makaranas ng pag-uulan ang bansa dahil sa paghina ng habagat at pag-iral ng ridge of high pressure area (HPA) na isang weather system na nakatutulong para maiwasan ang mga bagyo.
Kasalukuyang nakakaapekto ang ridge of HPA sa Hilaga at Gitnang Luzon.
Posibleng umiral ang monsoon break sa loob ng ilang araw at mararanasan ang mainit na panahon lalo na sa araw.
Gayunman, malaki ang posibilidad ng mga pag-ulan sa hapon o gabi.
Kahit umiiral ang ridge of HPA sa Luzon posible pa ring maranasan ang mga mahihina hanggang katamtaman at paminsan-minsang malalakas na pag-ulan partikular sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa namuong kaulapan sa nasabing mga lugar.
Ibinabala ang posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mabababang mga lugar.
Walang inaasahang bagyo ang mamumuo sa bansa sa buong linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.